IPINAALAM ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang lahat ng Letters of Authority (LOA) na ilalabas ng ahensya ay kinakailangang may paunang pahintulot mula sa tanggapan ni commissioner Charlito Martin Mendoza. Layunin ng hakbang na ito na higpitan ang pagbabantay sa proseso ng pag-awdit at maibalik ang tiwala ng publiko at ng sektor ng negosyo sa ahensya.
Matagal nang inirereklamo ng ilang negosyante ang umano’y arbitrary o walang sapat na basehang pag-isyu ng LOA at mission orders, na nagiging sanhi ng paulit-ulit o magkakapatong na tax audit. Dahil dito, positibo ang naging pagtanggap ng pribadong sektor sa desisyon ni Commissioner Mendoza na pansamantalang suspindihin ang paglalabas ng mga LOA habang isinasagawa ang masusing pagsusuri sa proseso.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na rin ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga alegasyon ng pang-aabuso at iregularidad kaugnay ng pag-isyu ng LOA ng ilang opisyal ng BIR.
Ani pa ng commissioner, bahagi ito ng mas malawak na reporma sa loob ng BIR, kabilang ang digitalisasyon ng audit at enforcement processes, upang mabawasan ang human intervention at matiyak na ang mga pagsusuri ay magiging makatarungan, malinaw, at predictable.
Paliwanag niya, dapat nang alisin ang pagiging arbitrary, pigilan ang paulit-ulit na audit, at magkaroon ng halos real-time na monitoring ng mga kasalukuyang pagsusuri.
Aniya, sa tulong ng isang integrated digital system, mas mapapalakas ang checks and balances sa pagitan ng enforcement at oversight.
Binigyang-diin din ni commissioner Mendoza na ang muling pagbuo ng tiwala ng publiko ay mangangailangan ng reporma hindi lamang sa paraan ng pagpapatupad ng batas sa buwis, kundi pati sa kalinawan at pagiging pare-pareho ng mga patakaran at mekanismo ng pagbabantay.
Kaugnay nito, inatasan din niya ang Technical Working Group na nagsusuri sa sistema ng LOA, kasama ang iba pang kaukulang yunit ng BIR, na ihanda ang lahat ng datos, audit history, at ulat ng imbestigasyon bilang paghahanda sa mga susunod na pagdinig sa Senado.
Hinimok din niya ang mga taxpayer, negosyante, at iba pang stakeholder na iulat ang anomang iregularidad o magbigay ng mungkahi sa pamamagitan ng email na [email protected].
Ayon kay Commissioner Mendoza, ang pansamantalang suspensyon ng paglalabas ng LOA ay bahagi ng review at modernization ng sistema ng BIR, na layong palakasin ang boluntaryong pagsunod sa pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng patas na sistema, at hindi sa takot sa parusa.
Nauna nang ibinunyag ni Sen. JV Ejercito sa plenaryo ng Senado ang reklamo ng mga negosyante sa kabulastugan kaugnay sa LOAs at mission orders na ginagamit ng mga tauhan ng BIR para mag-audit na nauuwi sa korapsyon.






