Bilang bahagi ng pagpapalakas ng turismo, inihayag ni Senador Lito Lapid ang kanyang pagsuporta sa posibilidad ng pagpapailaw sa Loboc River, isa sa pangunahing atraksyon sa Loboc, Bohol, na dinarayo ng mga turista para sa floating restaurants.
Sa isinagawang inspeksyon, ibinahagi ni Lapid na personal na hiniling sa kanya ni Loboc Mayor Raymond Jala ang paglalaan ng pondo para sa paglalagay ng ilaw upang muling mapahintulutan ang night operations ng Loboc River Cruise.
Matatandaang sinuspinde ni Mayor Jala ang operasyon ng mga floating restaurant sa gabi matapos masira ng bagyo ang mga ilaw sa lugar, na nagdulot ng panganib sa mga turista at lokal na residente.
Ayon kay Senador Lapid, pag-uusapan pa kung paano maisasakatuparan ang proyekto sa pakikipagtulungan ng Department of Tourism (DOT) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na pinamumunuan ni Mark Lapid.
Bilang chairman ng Senate Committee on Tourism, tiniyak ni Lapid ang kanyang suporta sa proyekto upang mapanatili ang sigla ng turismo sa Loboc. Lubos namang ikinagalak ni Mayor Jala ang inisyatibang ito at ang patuloy na pagtulong ng senador. RNT