MANILA, Philippines – AMINADO ang Malakanyang na wala itong magagawa para pagbigyan ang apela at hirit ng iba’t ibang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipatigil ang naging kautusan ng Department of Transportation na taas- singil sa pamasahe sa LRT 1 train line.
Nakatakda na kasing ikasa ang bagong fare matrix ng Light Rail Transit Line (LRT1) sa darating na Miyerkules, Abril 2, 2025.
“Gustuhin po natin man ‘no, gustuhin po ng administrasyon na ito po ay hindi muna maituloy pero iyan po kasi ang nakasaad sa kontrata. Kung hindi po ako nagkakamali, nabanggit po ito na matagal na po dapat nagtaas ng presyo pero hino-hold po ito para po sa ating mga commuters,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Pero tingnan din po natin ang sitwasyon kapag kasama po kasi ito sa kontrata at hindi po itinupad or natupad ng gobyerno ay mas magkakaroon po nang malaking problema ang ating mga commuters,” ang dagdag na wika ni Castro.
Sa ulat, nakatakdang mangolekta ang private operator Light Rail Manila Corporation (LRMC) ng P10.00 na karagdagang singil sa pamasahe simula sa nasabing petsa.
Sinasabi ng iba’t ibang grupo na bilang Pangulo ng bansa ay may karapatan ito na baligtarin ang kautusan ng DoTr.
“The ball is now in the court of Bongbong Marcos and he can do the right thing by stopping the April 2 fare hike which will affect up to 370,000 commuters per day,” ayon sa ulat.
Sa kabilang dako, ang mga naghain ng apela ay kinabibilangan nina Bayan President Renato Reyes, Jr at Makabayan senatorial candidates Jerome Adonis ng KMU, Mody Floranda ng PISTON at Mimi Doringo ng Kadamay. Sinamahan sila ng Mhing Gomez ng Anakbayan at Nanoy Rafael ng commuter group PARA.
Iginiit ng grupo na ang fare hike ay arbitrary dahil “no financial necessity” ang ipinresenta sa petisyon para sa fare hike, tanging ang tinatawag lamang na contractual obligation para itaas ang pamasahe ng 10.25% kada dalawang taon.
Hindi namana nakapagpakita at nakapagbigay ang DoTr sa oppositors at publiko ng metrics para idetermina ang bagong pamasahe na tumaas ng P5.00 hanggang P10.00 depende sa layo o distansiya ng byahe.
Naniniwala ang appellants na ang kasalukuyang concession agreement sa pagitan ng pamahalaan at LRMC ay “grossly disadvantageous” sa publiko.
“The private operator LRMC is guaranteed a fare hike every two years. If such is not granted by the government, it is the government that shoulder the fare deficit payment. The term of the contract is up to 2046, and by then, fares would have gone up by 160%,” ayon sa ulat.
Ayon naman sa LRMC, “the fare deficit payment that the government owes the private operator now stands at more then P3 billion.” Kris Jose