MANILA, Philippines – Nakiramay at naglatag ng mga bulaklak ang mga opisyal ng konsulado ng South Korea at mga miyembro ng local community sa kababayang turista na ninakawan at pinatay sa Barangay Anunas, Angeles, Pampanga noong Abril 20.
Pinangunahan ni South Korean Consul General Sang Seun-man ang tribute sa lugar kung saan binaril-patay ng riding-in-tandem na mga suspek si Kim Il Dong, isang Koreanong turista.
Inialay ang mga bulaklak, kandila at mga prutas bilang pag-alala sa biktima.
Iniwan din sa lugar ang signboard na may mensahe sa mga suspek: “The bullet you fired didn’t just take a life. It shattered a family’s future. He didn’t resist.”
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa Fil-Am Friendship Highway sa Korean Town.
Sinubukang hatakin ng isa sa dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang bag ni Kim, at nang pumalag ito ay saka pinaputukan.
Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang krimen.
Nag-alok ng pabuyang P200,000 ang Korean Community Association ng Angeles City sa makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nagbigay din ng 72 oras na palugit si Mayor Carmelo Lazatin Jr. sa lokal na pulisya para resolbahin ang kaso.
Sa nangyaring krimen ay nagdulot ito ng pangamba sa mga Koreano sa pagpunta sa bansa. RNT/JGC