Bulacan – Taliwas sa kumakalat na tsismis, walang magaganap na lockdown sa lalawigang ito matapos mapaulat na may dalawang kaso ng MPOX sa Lungsod ng San Jose del Monte nitong Huwebes, Hunyo 19.
Sinabi ni Bulacan Governor Daniel Fernando na ang pamahalaang panlalawigan ay gumagawa ng kaukulang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa lalawigan at mapanatiling ligtas ang mga Bulakenyo.
“Wala po tayong dapat ikabahala. Ginagawa po ng ating Pamahalaang Panlalawigan ang lahat ng aksyon na kinakailangan upang mapanatiling ligtas ang mga Bulakenyo mula sa banta ng MPOX. Kaya naman doble-ingat po ang ating hiling sa bawat isa upang tayo ay makaiwas mula sa sakit at hindi maging posibleng paraan ng pagkalat nito.”
Nabatid na ang dalawang pasyente ay nagkaroon ng mild symptoms, partikular na ng skin rashes, at fully recovered na, ayon na rin sa CSJDM-City Health Office na nagsabing nagsagawa na rin ng contact tracing.
Posible umanong nakuha ng mga pasyente ang sakit mula sa kanilang mga nakasalamuha at iba pang personal na aktibidad sa labas ng lungsod.
Nagpaalala ang mga kinauukulan na ugaliin ang proper handwashing sakaling humawak ng anumang bagay na maaaring kontaminado. Iwasan din ang direktang makihalubilo sa taong may sintomas ng MPOX. (Dick Mirasol III)