MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) na kunin ang tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Philippine Navy para beripikahin ang impormasyon na itinapon sa Taal Lake sa Batangas ang 34 na nawawalang sabungero.
Ito ay sa gitna ng pagbubunyag ng isa sa anim na akusadong security guard na patay na umano ang mga sabungero at ang mga labi ay itinapon sa Taal Lake.
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nakausap na niya nitong Hunyo 20 ang naturang whistleblower na itinago sa alyas na Totoy.
Ayon kay Remulla, kinakailangan ang mga technical divers mula sa PCG at Philippine Navy para maberipika ang inilahad ng whistleblower.
“We’re still working on it, but we’re also trying to bring in the Coast Guard, including their diving team, as well as the Navy,” ani Remulla.
Handa ang DOJ na gawing state witness si alyas Totoy kung magtutugma ang mga naging pahayag nito sa testimonya ng ibang testigo sa kaso. RNT