Home METRO Lolo arestado sa baril at pagbabanta sa Valenzuela

Lolo arestado sa baril at pagbabanta sa Valenzuela

MANILA, Philippines – INARESTO ng pulisya ang isang lolo matapos ireklamo ng pagbabanta at panunutok ng baril sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong suspek sa alyas “Roberto”, 64 ng Barangay Maysan ng lungsod na nahaharap sa kasong Grave Threats at paglabag sa RA 10591 in relation to Comelec Resolution no. 10918.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura na humingi ng tulong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 9 ang isang complainant na hindi nabanggit sa report ang pagkakakilanlan matapos umano siyang tutukan ng baril ng suspek sa Sabino Alley, Brgy. Maysan nang balaan niya ito makaraang bumili ng alak.

Kaagad namang sinamahan ng mga tauhan ng SS9 ang complainant at pagdating sa nasabing lugar ay positibong kinilala ng biktima ang suspek na tumutok sa kanya ng baril.

Habang papalapit ang mga pulis, napansin nila ang puluhan ng baril na nakausli sa baywang ng suspek kaya kaagad nila itong inaresto at kinumpiska sa kanya ang isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala. Rene Manahan