MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya ang isang 67-anyos na lalaki matapos niyang saksakin ang kanyang kapitbahay sa Southville 3 housing project sa Barangay Poblacion, Muntinlupa noong Enero 16.
Kinilala ang suspek bilang alias Rodolfo. Ayon sa pulis, nag-ugat ang insidente sa alitan nila ng kapitbahay na si alias Edan, 39, na nagtungo sa barangay upang maghain ng reklamo laban sa suspek kaugnay ng di-umano’y malisyosong sexual act laban sa kanyang menor de edad na stepdaughter.
Matapos ang pagkakasundo sa barangay, umuwi ang magkabilang panig. Ngunit pagdating sa kanilang mga bahay, sinaksak ng suspek sa tiyan ang biktima.
Pagdating ng mga pulis, naka-lock ang suspek sa loob ng bahay, may hawak na bolo, at nagbantang sasaktan ang sarili kung siya ay aarestuhin. Tumawag ng tulong ang mga rumespondeng pulis at nakipagnegosasyon sina Capt. Roselyn German, commander ng Poblacion Police Substation, at Barangay Captain Allen Ampaya.
Dumating din ang Muntinlupa SWAT team. Matapos ang halos dalawang oras na negosasyon na walang naging resulta, pumasok ang SWAT at inaresto ang suspek.
Narekober sa lugar ang isang jungle bolo at isang kutsilyo. Nagtamo ang suspek ng sariling sugat sa kanang binti at kaliwang braso, na agad ginamot ng Barangay Poblacion Rescue. Dinala siya sa Poblacion Police Sub-station at inilipat sa Station Investigation and Detective Management Section para sa paghahain ng kaukulang kaso. RNT/MND