MANILA, Philippines – Ayon kay ASEAN Business Advisory Council (ASEAN-BAC) 2026 Chair at Go Negosyo founder Joey Concepcion, ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summits 2026 ay isang napapanahong pagkakataon upang ipakita sa mundo na ang bansa ay handa, mapagkakatiwalaan, at bukas sa negosyo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Concepcion na dumarating ang ASEAN 2026 sa isang kritikal na yugto para sa Pilipinas, matapos ang isang taon na minarkahan ng mga isyu ng katiwalian na umantig sa tiwala ng publiko at ng mga mamumuhunan.
“ASEAN 2026 offers the Philippines a timely chance to demonstrate our commitment to reform, accountability, and good governance,” ani Concepcion.
Dagdag pa niya, dapat gamitin ng bansa ang pagkakataong ito upang malinaw na ipakita na hindi kinukunsinti ang katiwalian at may pananagutan ang sinumang lalabag.
Binibigyang-diin din niya na ang taong-long chairship ng Pilipinas sa ASEAN ay magsisilbing patunay na kaya ng bansa ang propesyonal at may integridad na pamamahala ng pandaigdigang ugnayan at pamumuhunan.
Bilang magiging katuwang ng Pangulo mula sa pribadong sektor, sinabi ni Concepcion na ang pagho-host ng ASEAN ay nangyayari isang beses lamang kada 11 taon, kaya’t mahalaga ang masusing paghahanda.
Maraming grupo sa negosyo at industriya ang nagpahayag na ng interes na makibahagi sa paghubog ng rehiyonal na adyendang pang-ekonomiya.
Aniya, ang ASEAN Business and Investment Summit ay inaasahang magtitipon ng libo-libong pandaigdigang lider, CEO, at top executives na huhubog sa direksiyon ng ekonomiya ng rehiyon.
Ang opisyal na turnover ng ASEAN-BAC chairship mula Malaysia patungong Pilipinas ay gaganapin sa Malacañang sa Enero 29, kung saan dadalo at magbibigay ng keynote message si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ito, ayon kay Concepcion, ay patunay ng matibay na public-private partnership ng administrasyon.
Pagbawi ng tiwala at pangmatagalang kaunlaran Ang tema ng ASEAN-BAC 2026 ay “Navigating Our Future Together: Advancing Prosperity for All,” kasabay ng ika-25 anibersaryo ng konseho.
Ang Philippine chairship ay magbubukas din sa unang yugto ng ASEAN Economic Community Strategic Plan patungo sa ASEAN Vision 2045, at sa pormal na partisipasyon ng Timor-Leste bilang pinakabagong kasapi.
Para kay Concepcion, higit sa lahat, ang ASEAN 2026 ay tungkol sa pagbabalik ng tiwala—sa loob at labas ng bansa.
“Mayroon tayong lakas-paggawang handa sa mga industriya ng hinaharap, may mga tapat na lingkod-bayan, at may pribadong sektor na kaagapay ng pambansang layunin,” aniya.
“May lahat tayong dahilan upang maging mapagmalaking punong-abala ng ASEAN 2026.” RNT/MND