MANILA, Philippines – Tiklo ang dalawang lalaki kabilang ang isang lolo nang maaktuhang naglalaro ng ilegal na sugal at makuhanan pa ng baril ang isa sa kanila sa Valenzuela City, kahapon ng madaling-araw, Nobyembre 15.
Kinilala ni Valenzuela Police Sub-Station 9 Commander P/Capt. Joan De Leon ang naarestong mga suspek na sina alyas “Robert”, 25, at alyas “Rico”, 60, kapwa residente ng Brgy., Karuhatan.
Ayon kay Capt. De Leon, habang nagsasagawa ng anti-Criminality operation Oplan Galugad ang kanyang mga tauhan sa kahabaan ng Padrigal St., Area 6, Brgy., Karuhatan nang maaktuhan nila ang mga suspek na naglalaro ng sugal na ‘cara y cruz’ dakong ala-1 ng madaling araw.
Kaagad silang inaresto nina PCpl Melvin Unciano at PCpl Jerome Siquig kung saan nasamsam sa kanila ang P340 bet money at pangara.
Nang kapkapan, nakuha ni PCpl Unciano kay ‘Robert’ ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala at nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng naturang baril ay walang naipakita ang suspek.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-illegal Gambling Law habang karagdagan na kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Regulation Act. Merly Duero