Home NATIONWIDE Lolo kalaboso sa pagpupuslit ng shabu sa N. Ecija provincial jail

Lolo kalaboso sa pagpupuslit ng shabu sa N. Ecija provincial jail

MANILA, Philippines – Arestado ang isang lolo nang magtangkang magpuslit ng shabu papasok sa Nueva Ecija Provincial Jail sa Sitio Pulo, Barangay Caalibangbangan sa Cabanatuan City kahapon ng tanghali, Agosto 25.

Base sa report ni Cabanatuan Police officer-in-charge, P/Lt. Col. Renato Morales kay Nueva Ecija Provincial Police director, Col. Richard Caballero, kinilala ang suspek na si Rogelio Eugenio, Sr., 70, residente ng Purok 2, Dist. 2, Brgy. San Juan Accfa, Cabanatuan City.

Sa imbestigasyon, dadalaw sana ang lolo, kasama ang kanyang apo sa nakakulong na anak. Pero nang isailalim sa routine body inspection ng mga duty jail guard ang suspek at ang bata ay nakita ang tinatayang nasa isang gramo ng hinihinalang shabu na nakasuksok sa suot na diaper ng apo.

Agad dinala ang suspek sa Cabanatuan City Police Station at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang matanda.

Nasa pangangalaga naman ng Nueva Ecija crime laboratory ang nakuhang droga na tinatayang nagkakahalagang ₱6,800. Marina Bernardino