MANILA, Philippines – Inatake sa puso ang 78-anyos na lolong tsuper at miyembro ng transport group na PISTON habang nakikilahok sa transport strike sa Monumento, Caloocan City.
Sa ulat, nasa gitna ng strike ng grupo ang drayber na kinilalang si Elmer Cordero nang bigla itong umupo at nahirapang huminga.
Ayon kay PISTON – National Capital Region secretary general Janette Gabatin, hindi nagpahiwatig ng masamang pakiramdam si Cordero bago ang insidente.
Kalaunan ay nawalan ito ng malay at agad na isinugod sa Caloocan City Medical Center kung saan ito nananatiling naka-confine.
Nananatiling unstable ang kondisyon nito at hindi pa matukoy ng mga doktor kung ito ay na-coma.
Napaulat din na si Cordero ay mayroong asthma at nakakaranas ng sakit sa likod.
Si Cordero ay kabilang sa anim na miyembro ng PISTON na inaresto at ikinulong noong 2020 matapos ding lumahok sa protesta sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa mga awtoridad nang panahong iyon ay nilabag umano ng demonstrasyon ang umiiral na quarantine protocols.
Iniurong naman ang mga reklamo laban sa PISTON 6.
Samantala, umapela ang PISTON ng pinansyal na tulong para sa pagpapaospital kay Cordero. RNT/JGC