MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na puspusan ang pagsisikap ng kanyang administrasyon na makahanap ng pangmatagalang solusyon laban sa pagbaha sa bansa.
Personal na ininspeksyon ng Pangulo ang operasyon ng Oplan Kontra Baha sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo, Naga City, pati sa Barangay Concepcion Pequeña.
“This is only the beginning. Ito, desiltation lamang ito. Kagaya ng mga ginagawa natin sa ibang lugar, this is not going to be one time,” ani Marcos.
Pinamumunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), layon ng Oplan Kontra Baha na mabawasan ang pagbaha sa pamamagitan ng agarang interbensyon tulad ng declogging ng mga kanal, pagtanggal ng ilegal na istruktura sa daluyan ng tubig, dredging ng ilog, rehabilitasyon ng pumping stations at maintenance ng flood-control structures.
Aminado ang Pangulo na malaki pa ang kailangang gawin lalo na’t pinalalala ng climate change ang hindi inaasahang pagbaha.
“This is what we are trying to remedy. Malaking trabaho ito. It will take time but marami na tayo mga intervention na pwedeng gawin, such as the pools that we are going to put up,” sinabi pa ng Pangulo.
Pinili ang Naga City bilang pilot area dahil sa madalas na pagbaha sa Bicol River Basin. Saklaw ng programa ang 10-kilometrong Sagop Creek na dumaraan sa limang barangay. Ito ay ang Del Rosario, Concepcion Grande, Concepcion Pequeña, Triangulo at Tabuco.
Hanggang nitong Biyernes, nasa 2,350 cubic meters ng banlik, halaman at solid waste ang natanggal sa Sagop Creek, bahagi ng Bicol River at Milaor Creek sa kahabaan ng Maharlika Highway.
Bukod sa Naga City, nagsagawa na rin ng kaparehong operasyon sa Metro Manila, Cebu at Bacolod, at nakatakda ring ipatupad sa Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro. RNT/JGC