Home OPINION LOOK WHO’S TALKING 

LOOK WHO’S TALKING 

UNA, dapat kong purihin si Vice President Sara Duterte sa pakikipaglaban niya para sa karapatang pantao matapos niyang kondenahin ang operasyon ng pulisya na gumulantang sa bantay-saradong compound ng Kingdom of Jesus Christ.

Tulad ng isang anghel mula sa langit, umapela ang minamahal nating VP, na nai-imagine ko na nakasuot ng nakakasilaw sa puti na damit, para sa kahinahunan at pagiging sibilisado ng ating mga awtoridad kapag humaharap sa mga taong tinatawag ang kanilang sarili na Diyos — tulad ni Pastor Apollo Quiboloy, na pilit ipinakikilala ang kanyang sarili bilang “the appointed son of God.”

Pero busisiin natin ang hustisyang ipinaglalaban dito ng mahusay magsalita na si Inday Sara. Hindi ba’t ang pastor na masigasig niyang ipinagtatanggol ay ang parehong tao na akusado ng matitinding krimen, kabilang ang sex trafficking ng kababaihang menor de edad, panloloko, at pang-aapi?

Dahil sa mga pinaggagagawang ito ni Quiboloy, napagtuunan siya ng atensiyon ng US federal prosecutors, na kinasuhan siya dahil sa karima-rimarim na mga krimeng ito. At sa kabila ng mga paglabag na ito, na nakapanghihilakbot para sa isang kapwa Davaoeño, at pastor pa man din, ang mariing kinondena ng Bise Presidente ay ang umano’y “gross abuse of police power” nang subukan ng mga awtoridad na magsilbi ng arrest warrant laban sa religious leader.

Hindi naman na nakakagulat ito, kung ikokonsidera ang ilang dekada nang malalim na ugnayan sa pagitan ni Quiboloy at ng ama ni VP Sara, si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Isa si Quiboloy sa pangunahing tagasuporta ni Duterte, karaniwang ginagamit ang kanyang impluwensiya at relihiyon upang isulong ang ambisyong pulitikal ni Duterte. Bilang ganti, mistulang in-enjoy naman ng pastor ang proteksyon laban sa pananagutan ba nakamit niya sa panahon ng administrasyong Duterte, wala halos sumisilip sa mga ginagawa niya habang nagpapatung-patong na ang mga alegasyon laban sa kanya.

At ngayong binabatikos ni VP Sara Duterte ang operasyon ng pulisya, hindi natin maiwasang mapatanong: Tungkol nga ba ito sa pagbibigay-proteksiyon sa karapatang pantao, o tungkol ito sa pagpoprotekta sa isang makapangyarihang kaalyado upang makaiwas mapanagot sa batas? Umaalingasaw ang pagiging ipokrito. Dapat na sumusunod sa batas ang lahat, kahit gaano pa kalakas ang kapit nila sa mga makapangyarihan.

Bukod dito, sino nga bang niloloko natin kapag nadako na ang usapan sa matinding pag-abuso sa kapangyarihan? Ipaalala kaya natin ang alam na alam ng publiko na giyera kontra droga, na pumatay sa libu-libong tao noong ama niya pa ang presidente ng bansa simula 2016 hanggang 2022.

O, ungkatin kaya natin ang walang kontrol na paggamit ni Inday Sara sa pondo ng taumbayan noong siya pa ang Education secretary. Ano, sa palagay ng minamahal nating VP at ng kanilang pamilya, ang moralidad na mayroon sila para magsalita tungkol sa usapin ng karapatang pantao o sa pagbibigay-proteksiyon sa publiko laban sa mga umaabuso sa kapangyarihan?

Depensa ng PNP

Marahil makakukuha tayo ng katwiran sa isinagot ng Philippine National Police sa kasong ito. Nanindigan si Gen. Rommel Francisco Marbil na ang operasyon ng pulisya sa compound ni Quiboloy ay lehitimo at bunsod ng mga seryosong kaso na kinahaharap ngayon ng puganteng pastor.

Binigyang-katwiran ng PNP Chief ang pagpapakilos niya ng napakalaking puwersa ng mga pulis dahil sa kumplikadong misyon. Napakalawak ng compound ni Quiboloy at mahalagang matugunan ang mga panganib, partikular na dahil sadyang agresibo ang ugali ng ilan sa mga tagasunod ng pastor.

Kung ligal na batayan ang pag-uusapan, karapatan ng PNP na ipagpatuloy ang operasyon nito hanggang sa hindi pa naisasakatuparan ang mga warrant, ayon kay Marbil. Pero, huwag din sana nating kalimutan ang puno’t dulo ng lahat ng ito: Dapat nang sumuko si Quiboloy!

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).