Pinag-aaralan ng pamunuan ng Social Security System (SSS) ang pagbuo ng isang special contribution table para sa tinatayang 4.4 million na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sinabi ni SSS President/Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet na makikipagtulungan sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mapagkalooban ang 4Ps beneficiaries ng social coverage.
Balak ng social insurance agency na babaan ang minimum monthly payments para sa 4Ps beneficiaries. Para kay PCEO Macasaet, ang halagang Php 570.00 na siyang minimum monthly payment sa kasalukuyan ay malaking halaga na para sa sektor at halos katumbas na ng isang araw na minimum wage sa National Capital Region at mas mababa pa nga kung sa ibang rehiyon.
Nais nilang kausapin ang ilang mga negosyo para sa posibleng subsidiya sa pamamagitan ng corporate social responsibility programs. Matatandaan na may inilunsad na programa ang SSS na contribution subsidy provider program (CSPP) kung saan ang mga pribado o nasa pamahalaang mga indibidwal o grupo ay maaaring sagutin ang pagbabayad ng buwanang kontribusyon ng isang miyembro.
Tinitingnan din ng ahensiya na bagama’t mas mababa sa Php 570.00 ang buwanang kontribusyon ay mas pahabain ang pagbabayad mula 120 na buwan na magiging 180 buwan.
Alinsunod kasi sa batas, kinakailangan na magkaroon ng hulog na 120 ang isang miyembro para maging kwalipikado sa lifetime pension pagdating nila sa retirement age.
Para kay PCEO Macasaet, malaking tulong sa 4Ps beneficiaries kung sila ay magiging mga SSS member din para magkaroon sila ng mga benepisyo.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng 40.49 million na miyembro ang SSS at target nito na magkaroon ng 1.2 million na mga bagong miyembro bawat taon.