Manila, Philippines – Sa wakas, mapapanood na sa kauna-unahang pagkakataon ang kontrobersyal na docu film na “Los Sabungeros”.
Ito ay pagkatapos na makansela ang premiere nito sa Cinemalaya XX noong Agosto dahil sa usaping pangseguridad.
Marami naman ang nag-react sa ginawang pagkansela ng organizers sa nasabing screening.
Maging ang Directors’ Guild of the Philippines ay kinundena ang kanselasyon ng pagpapalabas nito sa Cinemalaya.
Sa Facebook page naman ng GMA Public Affairs, viral ang post nitong “Walang makapipigil sa katotohanan.”
Hudyat ito na tuloy na tuloy na ang naudlot na showing ng investigative docu-drama na idinirehe ni Bryan Brazil.
Ayon sa QCinema festival director na si Ed Lejano, naniniwala siyang ang sining ay dapat na malaya kaya bukas ang festival sa mga obrang mapagpalaya lalo na iyong tumatalakay sa mga isyung panlipunan.
Sa Lost Sabungeros ay hihimayin ang kuwento at misteryo ng pagkawala ng mga sabungeros na nangyari noong 2021.
Ang documentary film ay inabot ng dalawang taon bago matapos.
Bukod sa Lost Sabungeros, mapapanood din sa QCinema 12 ang humigit kumulang na 76 pelikula na kinabibilangan ng 22 shorts at 54 full-length features mula sa iba’t-ibang kategorya.
Ang film fest ay idaraos mula Nobyembre 8 hanggang 17 sa Gateway Cineplex 18, Ayala Malls Cinema sa Trinoma, Red Carpet sa Shangri-la Plaza, at Powerplant Mall. Archie Liao