Home HOME BANNER STORY LPA, habagat magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa

LPA, habagat magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa

MANILA, Philippines – Magdudulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ang low pressure area (LPA) na namataan sa silangan ng Visayas at ang pinalakas na southwest monsoon o habagat.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 175 kilometro silangan hilagang-silangan ng Guiuan, Eastern Samar o 205 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar.

Dahil dito ay makararanas ng maulap na kalangitan na may malawakang pag-ulan ang Masbate, Sorsogon, Northern Samar, Samar, Eastern Samar at Biliran.

Ang Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, Quezon, nalalabing bahagi ng Eastern Visayas, Central Visayas, at Bicol Region ay magkakaroon din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa LPA.

Samantala, ang MIMAROPA at nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan dahil sa epekto ng habagat, habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorm. RNT/JGC