MANILA, Philippines – Inaasahan ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Miyerkules dahil sa low pressure area (LPA) at Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa ulat ng PAGASA.
Alas-3 ng madaling-araw, namataan ang LPA sa layong 975 km silangan ng Southeastern Luzon. Nagdadala ito ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at pagkidlat-pagkulog sa Bicol Region, Eastern Visayas, Dinagat Islands, at Surigao del Norte.
Ayon sa PAGASA, may posibilidad itong maging tropical depression at tatawaging Crising.
Apektado rin ng Habagat ang Metro Manila, MIMAROPA, Cavite, Laguna, Batangas, Zambales, Bataan, natitirang bahagi ng Visayas, at halos buong Mindanao na makararanas ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan.
Bahagyang maulap hanggang maulap naman ang panahon sa natitirang bahagi ng Luzon, na posibleng makaranas ng pulu-pulong pag-ulan.
Pinag-iingat ang mga residente sa posibleng pagbaha lalo na kapag may malalakas na thunderstorm. RNT