Home OPINION KASONG BIGAMY, MAGSISIMULA SA PAGKAKATUKLAS NG IKA-2 KASAL – SC

KASONG BIGAMY, MAGSISIMULA SA PAGKAKATUKLAS NG IKA-2 KASAL – SC

244
0

NAGPASYA kamakailan ang Supreme Court na ang 15-taong limitasyon sa pagsasampa ng kasong bigamy ay magsisimula sa oras na matuklasan ang ikalawang kasal at hindi sa oras ng pagkakarehistro nito sa pamahalaan.

Sa desisyong isinulat ni Asso­ciate Justice Samuel Gaerlan ng SC Third Division, binigyang-diin na kadalasang itinatago ang mga kasong bigamy. Kung ang magi­ging basehan ng paniningil ay ang petsa ng rehistro, magi­ging halos imposibleng usigin ang mga may sala.

Pinagtibay ng SC ang hatol laban kay Erwin Bonbon na napatunayang nagkasala ng bigamy matapos pakasalan si Elizabeth Bonbon noong 1999 kahit kasal pa siya sa isa pang babae.

Batay sa mga rekord ng Korte, unang ikinasal si Erwin kay Gemma Cunada noong 1988. Pumasok siya sa isa pang kasal noong 1994, at saka muling ikinasal kay Elizabeth noong 1999, ang lahat ay ginawa nang hindi napapawalam-bisa ang mga na­u­nang kasal.

Nadiskubre lamang ng mga kapatid ni Erwin Bonbon ang ikatlong kasal noong 2020 nang humiling sila ng mga dokumento mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) bilang bahagi ng kanilang aplikasyon sa benepisyo ng kanilang ina. Sa sumunod na taon, 2021, ay nagsampa sila ng kaso dalawampu’t dalawang taon mula nang ikasal si Bonbon at Elizabeth.

Iginiit ni Erwin na huli na ang pagsasampa ng kaso at alam na umano ng kanyang mga kapatid ang tungkol sa kasal noon pa mang 1999.

Subalit, hindi sumang-ayon ang SC, at pinagtibay nito ang mga naunang desisyon ng Regional Trial Court at Court of Appeals. Giit ng SC, napatunayang 2020 lamang talaga nadiskubre ng mga kapatid ni Bonbon ang kasal. Inamin din ni Bonbon na walang dumalong kaanak sa ka­nilang civil wedding.

Dahil dito, itinuring na nasa loob pa ng itinakdang panahon ang kasong isinampa noong 2021. Hinatulan si Erwin ng hanggang walong taong pagkakakulong.

Sa hiwalay na concurring opinion, sumang-ayon si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa sa desisyon ngunit bi­nigyang-diin ang epekto ng bagong batas, ang Republic Act No. 11909 o Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death and Marriage Act. Aniya, sa pamamagitan ng digital Civil Registry Database na inilunsad noon pang 2022, mas madali nang matukoy ng PSA ang mga kaso ng multiple marriages.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here