MANILA, Philippines – Naging ganap na Tropical Depression na tatawaging Lannie ang low pressure area (LPA) sa labas ng Luzon, ayon sa state weather bureau PAGASA madaling araw ng Sabado.
Sinabi ng PAGASA na matatagpuan si Lannie sa layong 315 km kanluran ng Sinait, Ilocos Sur kaninang alas-4 ng madaling araw. Kumikilos pakanluran sa bilis na 15 km/h, si Lannie ay may lakas na hangin na 45 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 km/h.
Si Lannie ang ika-12 tropical cyclone na pumasok o nabuo sa Philippine Area of ​​Responsibility ngayong taon.
Ang tropical cyclone na ito ay magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Rehiyon ng Ilocos, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley.
Maaapektuhan naman ng Habagat ang Metro Manila, Central Luzon, MIMAROPA, at CALABARZON, habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng localized thunderstorms.
Asahan sa kanlurang bahagi ng Hilagang Luzon ang katamtaman hanggang sa malakas na hangin at katamtaman hanggang sa maalon na tubig sa baybayin.
Mahina hanggang sa katamtamang hangin at mahina hanggang sa katamtamang pag-alon ng karagatan ang inaasahan sa natitirang bahagi ng bansa. RNT/MND