Home OPINION MGA KORAP IKULONG NA!

MGA KORAP IKULONG NA!

248
0

GRABE ang kabulukan sa gobyerno, lalo na ang kasalukuyang administrasyong Marcos.

Lumilitaw na hindi na lang sa Kongreso umaalingasaw ang kabulukan kundi sa Palasyo na kinapapalooban ng Department of Public Works and Highways at iba pang mga departamento at ahensya ng pamahalaan.

Sa Kongreso, partikular sa Kamara, bukod sa korapsyon at pandarambong sa mga flood control project na iniimbestigahan ng Kamara at Senado, may kabulukan din sa pagpirma sa impeachment ng 215 kongresman laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Navotas Congressman Toby Tiangco.

Sa Kamara pa rin, nariyan din ang kikbakan sa paggawa ng school rooms, ayon kay Inday Sara, habang may nakikialam na kongresman sa pagbili ng armas gaya ng naudlot na P8 bilyon na tinanggihan ni Interior Secretary Jonvic Remulla dahil isang “insertion” o isingit lang iyon sa pambansang badyet.

May sariling diskarte rin ang mga taga-DPWH gaya ng pagbura nila ng mga proyekto ng mga mambabatas gaya ng naranasan ni Congressman Ronnie Puno at pinapalitan ng sarili nilang proyekto habang may mga sabwatan ng mga district engineer at district congressman o senador kaya.

Mahilig din sa pagbebenta ng accreditation at lisensya ng mga kontratista sa milyones na halaga ang Philippine Contractors Accreditation Board o PCAB habang may mga kontraktor din sa kanila.

Ang mga ganid na kontratista, may ninong at ninang sila mula sa mga opisyal ng pamahalaan, kasama na ang mga mambabatas o opisyal ng DPWH at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Bagaman si Pangulong Bongbong Marcos mismo ang nagpaalingasaw ng kabulukan sa kanyang State of the Nation Address, sa palagay ba ninyo, wala siyang pananagutan dito?

Kung gumagana ang command responsibility o negligence sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, hindi ba ito pwedeng ilapat mismo sa Pangulo?

Dapat marami ang makulong at hindi lang masibak sa pwesto para mabigyan ng hustisya ang mga namamatay, nagkakasakit at naghihirap na mamamayan sa mga baha, landslide at iba pang bunga ng daan-daang bilyong pisong korapsyon at pandarambong.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here