MANILA, Philippines – May “mataas na tsansa” na maging tropical depression sa loob ng 24 oras ang low pressure area (LPA) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility, ayon sa PAGASA sa 4 a.m. update nitong Martes.
Matatagpuan ang LPA sa layong 1,290 km silangan ng Eastern Visayas noong 2 a.m. at posibleng pumasok ng PAR pagsapit ng Miyerkoles bilang tropical depression na papangalanang Wilma.
Mas mataas na ito mula sa naunang “medium” chance nitong Lunes ng gabi. Sinabi rin ng PAGASA na may “low to moderate likelihood” ng pagbuo ng bagyo sa unang linggo ng Disyembre.
Kapag lumakas, inaasahang tatawid ang sama ng panahon sa CARAGA, Visayas, at Southern Luzon, bago tumungo sa Mindoro-Palawan area sa ikalawang linggo ng Disyembre at tuluyang lumabas ng PAR.
Samantala, nananatiling halos hindi gumagalaw ang Tropical Storm Koto (dating Verbena) sa layong 470 km hilaga-kanluran ng Pag-asa Island, taglay ang lakas-hangin na 45 km/h at bugso na 55 km/h. RNT