MANILA, Philippines- Nasunog ang isang warehouse sa Templansa St., Brgy. Marulas, Valenzuela City nitong Biyernes ng hapon.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-2 ng hapon at umabot ang sunog sa ikatlong alarma hanggang tuluyan itong naapula bandang alas-7 ng gabi.
Inilahad ng ilang residente na nakarinig sila ng pagsabog.
Sinabi ng barangay na pagmamay-ari umano ng isang negosyanteng Chinese ang nasunog na warehouse kung saan may nakatago umanong mga tangke ng LPG at foam.
“Possible po na merong mga LPG tanks na naka-stock doon, dahil base sa incident maraming nagpuputukan, may mga naririnig kaming putukan na nanggaling sa loob,” pahayag ng barangay chairman na si Cocoy Espino.
“There is also a possibility na merong foam doon, dahil merong signage ng isang foam company doon malapit sa kaniyang entrance,” patuloy niya.
“Base po sa aming knowledge, wala kaming alam na merong warehouse doon sa area,” sabi ni Espino.
Sa kasalukuyan ay anim na pamilya ang nananatili sa evacuation center matapos masunog ang walong kabahayan, habang isang indibidwal ang naitalang sugatan.