Patuloy na gumagawa ng epekto ang Laro’t Saya Program (LSP) sa Dumaguete City matapos makabuo ng mga lokal na atleta na isinabak sa mga grassroots sports competitions tulad ng Philippine National Games at Palarong Pambansa, ayon kay Sports Development Officer ng Lungsod na si Ike Xavier Villaflores .
“Yung sa arnis natin, ‘yung mga bata nila ngayon ay nagco-compete na sa Palarong Pambansa at Philippine National Games. Hindi lang arnis, pati ‘yung mga ibang sports na na-introduce natin dito sa Laro’t Saya sa Parke Program,” ani Villaflores.
Bukod sa pagtuklas ng mga talento, sinabi niya na ang LSP ay may malaking kontribusyon sa kalusugan at pisikal na kagalingan ng mga kalahok nito, anuman ang edad o kasarian.
Pormal na inilunsad ang Laro’t Saya Program sa Dumaguete City noong Agosto 16, 2015, sa pamumuno ng noo’y PSC Chairman Ricardo Garcia.
Nagpahayag ng pasasalamat si Villaflores sa PSC para sa patuloy na suporta nito sa programa ng kabataan at pisikal na aktibidad ng lungsod at hinikayat ang ibang mga komunidad na gamitin ang LSP, na binanggit ang mga positibong resulta nito.
“Nung nagsimula po sila, maliliit pa po sila nung ma-introduce ‘yung Laro’t Saya dito sa Dumaguete City. Ngayon, sila’y nasa collegiate level na at competitive na,” wika ni Villaflores.
Idinagdag pa nito, “Pati na sa disiplina at academics ay na-improve nila.”
Nitong nakaraang weekend, humigit-kumulang 400 kalahok ang sumali sa programa, pag-aaral at paglalaro ng sports nang libre, kabilang ang arnis, boxing, chess, football, karate, pencak silat, pickleball, sepak takraw, taekwondo, tai-chi, volleyball, at zumba.
Binanggit ni Villaflores na isang 76 taong gulang ang sumali sa LSP ngayong taon bilang pinakamatandang kalahok, habang a pinakabata ay apat na taong gulang.
Ang LSP sa Dumaguete City ay tumatakbo tuwing katapusan ng linggo sa buong taon.RICO NAVARRO