MANILA, Philippines – Pinatawan ng disciplinary action ng Kamara si Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay sa kanyang yang kontrobersyal na pahayag patungkol sa aktres na si Anne Curtis-Smith.
Sa pagpapatibay ng Committee Report No. 299, bumoto ang Kamara ng 263 na pagsang-ayon, walong pagtutol, at pitong abstention.
Kinatigan nito ang pasya ng House Ethics Committee na si Suntay ay nagkasala ng disorderly behavior at conduct unbecoming of a member of Congress dahil sa mga naging komento kay Curtis noong nakaraang pagdinig ng House Committee on Justice noong Marso 3, 2026.
“After deliberation on the cases, the Committee found Quezon City 4th District Rep. Jesus ‘Bong’ C. Suntay guilty of disorderly behavior for uttering inappropriate or improper statements during the March 3, 2026 hearing of the House Committee on Justice, as well as for related statements made on social media that the Committee said reflected negatively on the dignity, integrity, and reputation of the House of Representatives as an institution,” ayon sa ulat ng panel na pinamumunuan ni 4PS Party-list Rep. JC M. Abalos.
“The Committee recommended that Suntay be subjected to disciplinary action in the form of a reprimand under Section 52(b)(2), Rule IX of the Committee Rules,” saad pa sa ulat.
“It also recommended that he render voluntary community service, undergo a gender sensitivity seminar organized by the House Committee on Women and Gender Equality, and issue a public apology to Ms. Anne Curtis-Smith and all women in a statement to be read before television or broadcast media,” dagdag sa rekomendasyon.
Nagsimula ang kontrobersya sa mga naging pahayag ni Suntay sa gitna ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa ulat, sinabi ni Suntay sa pagdinig:
“Lastly, alam mo minsan nasa Shangri-la ako nakita ko si Anne Curtis ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag init talaga, na imagine ko na lang kung anong pwede mangyari pero syempre hanggang imagination na lang yun pero hindi naman siguro ako pwedeng kasuhan dahil kung ano lang na imagine ko.”
Agad na umani ng pagtutol mula sa mga mambabatas ang naturang pahayag, dahilan upang bumoto ang mga miyembro ng Justice Committee na burahin ito sa opisyal na rekord.
Gayunman, binuweltahan ng Ethics Committee na ang pagbura sa transcript ay hindi nag-alis sa naging epekto nito.
Binigyang-diin pa ng komite na ang mga bastos at nakasasakit na pahayag na may malisya o sexual underpinnings laban sa anumang kasarian ay walang puwang sa anumang talakayan sa lehislatura.
Sa pag-adopt ng ulat, sumang-ayon ang buong Kamara na nilabag ni Suntay ang Section 141(a) ng House Code of Conduct, kung saan inaatasan ang bawat miyembro na “act at all times in a manner that shall reflect creditably on the House.”
Nabatid ng komite na ang mga salita ni Suntay ay mapanira, sexist, at diskriminatoryo laban sa kababaihan, at hindi angkop sa dignidad na inaasahan sa mga mambabatas.
Sa naging pagdinig ng Ethics Committee, inamin naman ni Suntay ang kanyang mga sinabi at humingi ng paumanhin sa mga nainsulto rito.
Sa pinal na desisyon, ipinaalala ng komite na ang mga pampublikong opisyal ay dapat sumunod sa mas mataas na pamantayan at ang mga pagdinig sa Kongreso ay dapat manatiling kagalang-galang at propesyonal. Gail Mendoza