MANILA, Philippines- Magpapakalat ng sapat na bilang ng mga tauhan ang Land Transportation Office para tumulong sa Land Transportation Franchising and Regultory Board (LTFRB) sa pagsasagawa ng anti-colorum operations, lalo na sa Metro Manila at iba pang urban areas sa buong bansa.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang deployment ng mga enforcer ng ahensya ay naglalayong tiyakin na mga lehitimong driver at operator lamang ang dumaraan sa mga ruta alinsunod sa tagubilin ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista.
“Ang deployment ng aming mga tauhan ay makatutulong sa lakas-tao ng LTFRB gayundin sa iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas na tinapik upang tumulong sa pagpapatupad ng aming mga anti-colorum na operasyon,” sabi ni Asec. Mendoza.
“Sisiguraduhin namin na ang mga protocol sa pagsasagawa ng mga operasyon ay mahigpit na sinusunod kaya kami ay umaapela sa aming mga kapatid sa sektor ng transportasyon na tulungan kami sa pagsasagawa ng operasyong ito,” dagdag niya.
Kaugnay nito, nagbabala rin si Asec. Mendoza sa mga operator at driver ng colorum na sasakyan sa pagtaas ng presensya ng mga tauhan ng LTO sa mga kalsada para sa benepisyo ng mga lehitimong operator at driver na sumusunod sa mga regulasyon ng gobyerno.
Nauna nang sinabi ng transport groups na nawawalan sila ng 30 porsyento ng kanilang pang-araw-araw na kita sa mga colorum operator.
“Ang aming operasyon ay hindi lamang upang matulungan ang mga lehitimong transport operator at mga driver kundi pati na rin matiyak ang kaligtasan ng mga commuters,” ani Asec. Mendoza. Santi Celario