Home NATIONWIDE PH Embassy sa Beijing nakatatanggap ng ‘hate emails’ sa gitna ng WPS...

PH Embassy sa Beijing nakatatanggap ng ‘hate emails’ sa gitna ng WPS issue

MANILA, Philippines- Nakatatanggap ang Philippine Embassy sa Beijing ng “hate emails” mula sa anonymous Chinese citizens sa gitna ng isyu sa West Philippine Sea (WPS) issue, ayon kay minister at consul general Arnel Talisayon nitong Miyerkules.

Inilahad ito ng opisyal sa Commission on Appointments (CA) hearing nang tanungin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung may mga ulat ng harassment laban sa mga Pilipino sa China sa pag-igting ng territorial tensions sa pagitan ng dalawang bansa.

“Wala po kaming natatanggap na report mula sa mga Pilipino ng harassment dahil po sa China. But, of course, officially dito po sa Philippine Embassy, we would also sometimes get hate emails from unnamed Chinese citizens. But for the Filipino community po, so far, wala naman kaming naririnig na balita,” wika ni Talisayon sa CA committee on foreign affairs.

Hiniling ni Dela Rosa sa Philippine Embassy sa Beijing na ipagpatuloy ang pag-monitor sa mga Pilipino sa China, lalo na kung uminit pa ang tensyon sa WPS.

“Please continue monitoring para maalagaan natin ‘yung mga kababayan natin d’yan just in case aabot sa sukdulan itong problema natin sa China. Patingin-tingin ‘yung ating mga kababayan d’yan. Sana hanggang hate emails lang hindi aabot sa pisikal talaga na sakitan,” pahayag ni Dela Rosa.

Samantala, tinanong din ni Senator Jinggoy Estrada, chairman ng CA panel, si Talisayon kung paano sila tinatrato sa Beijing ng Chinese government officials.

“Madalas po kaming magkaroon ng meeting sa kanila sa Foreign Ministry and ako po mismo po ang uma-attend sa ilan sa mga meeting and all of my engagements naman po ay they all have been professional and cordial,” ani Talisayon. RNT/SA