Home HOME BANNER STORY Ulat ng ‘pagbalahura’ ng mga mangingisdang Pinoy sa WPS pinalagan ng PCG

Ulat ng ‘pagbalahura’ ng mga mangingisdang Pinoy sa WPS pinalagan ng PCG

MANILA, Philippines- Dumepensa ang isang Philippine Coast Guard (PCG) official nitong Miyerkules sa Chinese media report na umano’y pag-ihi, pagdura, at pagkakalat ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea, at tinawag itong “cover up” sa umano’y malaking pinsala ng Beijing sa marine environment.

Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea, maaari umanong totoo ang ulat, subalit “these are small things” kumpara sa reclamation activities ng China.

“Hindi ko alam kung gaano kalinis ang mga Chinese fisherman. I won’t also lie. Totoo rin naman na nakikita rin naman natin ‘yan,” giit ni Tarriela.

“But again, these are small things compared with the damage to the marine environment na ginawa nila, compared with the crushed corals that they are dumping in the entire South China Sea. Kumpara naman sa mga giant clams na pinagha-harvest nila at pinagpapatay nilang corals para makagawa ng isla, ano ba naman ang ihi ng isang Pilipino?”

Sinabi ni Tarriela na gumagawa umano ang China ng isyu “to cover up their own illegal activities that is really damaging the marine environment.”

Inaakusahan ng China ng pagtatambak ng sand at crushed corals sa cays ng Pag-asa (Thitu) Island at Escoda (Sabina) Shoal, na hinala ng Philippine authorities ay bahagi ng pagtatangkang bumuo ng bagong isla.

Nauna nang naglabas ang China state-run media Global Times ng footage ng umano’y mangingisdang Pilipino na nagtatapon ng basura, umiihi, at dumudura sa Panatag (Scarborough) Shoal, isang resource-rich atoll na saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas na inaangkin ng China. RNT/SA