MANILA, Philippines- Tinutugis na ng Philippine National Police ang anim pang suspek na sangkot sa pamamaril sa Remate photojournalist na si Joshua Abiad na nagresulta sa pagkasawi ng kanyang pamagkin, ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo nitong Miyerkules.
“Meron pa pong tinutugis na anim na suspect, kasama na si ‘Captain Nanad,’ alias Chari, si Juanito Padilla, alias Oscar, Marlo, at Jason,” pahayag ni Fajardo sa isang press briefing.
Nauna nang iniulat ng Quezon City Police District na isa sa mg suspek, kinilalang si Jomari Campillo, kasabwat ng gunmen, ang naaresto nitong Martes ng hapon sa harap ng QC Hall of Justice sa Barangay Central.
Dinakip si Campillo sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Branch 86 ng Regional Trial Court (RTC) sa Quezon City para sa frustrated murder sa pagkakasangkot niya sa nasabing shooting incident.
Batay sa ulat, unang nadakip si Campillo noong July 14, 2023 dahil sa paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), subalit nakalaya rin matapos makapagpiyansa.
Noong July 7, 2023, matagumpay na naaresto ng QCPD ang isa pang umano’y suspek sa krimen na kinilalang si Eduardo Almario Legazpi II, itinuturing na “professional shooter” ng mga awtoridad.
Ang dalawang naaresto, kasama si Padilla, ay kapwa miyembro ng gun-for-hire group aat direkta umanong sangkot sa pamamaril ang mga ito, base kay Fajardo.
Inihayag ng opisyal na maaaring si Padilla lamang ang makapagtutukoy kay Captain Nanad, itinuturing na mastermind na pag-atake, umano’y dating barangay chairman na naharap sa drug complaints sa National Bureau of Investigation.
Noong June 29, tinambangan ng limang kalalakihan ang mga biktima habang nasa loob sila ng kanilang sasakyan sa kahabaan ng Corumi Street, Barangay Masambong, bandang alas-3:50 ng hapon.
Ayon sa mga awtoridad, nagresulta ang pag-atake sa pagkasawi ng pamangkin ni Abiad at pagtatamo ng sugat ng dalawa niyang kaanak at isang bystander. RNT/SA