MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng kompanya ng bus na sangkot sa bus crash sa Quezon na ikinasawi ng dalawang indibidwal noong Martes.
Nag-isyu na rin ng show cause order laban sa naturang kompanya kung saan siyam na unit ang kasalukuyang nasa operasyon.
“We will be giving them the opportunity to explain their side as part of the due process. But they are mandated to explain why their CPC should not be suspended or revoked,” ayon kay LTFRB chairman Vigor Mendoza.
Ibinahagi ni Mendoza na ang insidente ay posibleng dahil sa paglabag sa rules at regulation sa pagbibigay ng ligtas na transportasyon para sa mga pasahero.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa Pagbilao, Quezon matapos mahulog ang bus sa bangin dahil sa umano’y brake failure.
Dalawa ang nasawi habang 31 iba pa ang sugatan sa insidente.
Inatasan na ang kompanya ng bus na magpasa ng rekord ng maintenance habang isasailalim naman sa roadworthiness test ang mga bus unit nito.
Isasailalim din sa drug test ang bus driver at sasailalim din sa seminar sa public safety. RNT/JGC