MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang dalawang lalaki sa Bustos, Bulacan na umano’y nagnanakaw ng motorsiklo gamit ang ninakaw na closed van.
Nadiskubre ng mga tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang abandonadong closed van matapos makatanggap ng report na iniwan ito ng dalawang lalaki.
Kalaunan ay naaresto ng PNP-HPG ang unang suspek na nagturo naman sa lokasyon ng kanyang kasama na naaresto rin.
Tumanggi namang magbiay ng karagdagang detalye ang mga suspek.
Ayon sa mga awtoridad, umiikot ang grupo ng mga suspek para tangayin ang mga nakaparadang motorsiklo gamit ang closed van.
Unang nirentahan umano ng mga suspek ang sasakyan para ibyahe ang mga gamit sa bahay ngunit bigo itong maibalik sa may-ari at ginamit na sa serye ng mga pagnanakaw ng motorsiklo partikular sa Central Luzon.
Ang ilan sa mga narekober na motorsiklo ay napaulat na mula sa Luzon at ibinabyahe patungong Mindanao.
Lumabas din sa imbestigasyon na naharang ang closed van na ginagamit sa operasyon matapos ma-trace sa CCTV footage. RNT/JGC