Home NATIONWIDE LTO employees muling sasanayin kasunod ng viral Bohol incident

LTO employees muling sasanayin kasunod ng viral Bohol incident

MANILA, Philippines- Nakatakdang sumailalim ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) sa buong bansa sa mandatory retraining, kasunod ng pagkalat ng isang video kung saan nakuhan ang pagiging marahas ng enforcers sa paghuli sa isang motorista sa Panglao, Bohol.

Ayon kay LTO chief Atty. Vigor Mendoza II, saklaw ng retraining — sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) — ang update ng protocols, upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong insidente.

“The incident that happened in Bohol calls for a deeper and systematic approach to ensure that this will not happen again in the future. So we will be holding retraining for LTO enforcers nationwide and it’s mandatory,” pahayag niya nitong Linggo.

Kasunod ito ng pagkalat ng video online, kung saan makikitang hawak ng enforcers ang isang lalaking nakahiga sa ibabaw ng motorsiklo, saka ito hinila pababa. Maririnig ang paglilinaw niya na isa siyang magsasaka kaya ito may bolo.

Hinuli ang lalaki na kalaunan ay natukoy na nakatatandang kapatid ng dating vice mayor ng Panglao, Bohol, at ikinulong sa custodial facility ng Panglao Police Station. Hindi pa natutukoy ang dahilan ng paghuli sa kanya.

Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag ang regional director ng LTO ukol dito.

Naglabas naman ng pahayag ang LTO Region 7 kung saan humingi ito ng paumanhin sa insidente, at iginiit na nangyari ito sa interes ng kaligtasan at public law at order. RNT/SA