MANILA, Philippines- Halos 1,400 indibidwal ang nahuli sa paglabag sa election gun ban bilang parte ng security measures para sa national at local polls na isasagawa sa Mayo, base sa datos na ipinalabas ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.
Batay sa daily report ng National Election Monitoring Action Center (NEMAC), sinabi ng PNP na 1,398 indibidwal ang naaresto hanggang nitong Sabado, March 1, kung saan pinakamarami ang nahuli sa National Capital Region (NCR) sa 419.
Sa ibang rehiyon naman, 37 ang naaresto sa Ilocos Region, 43 sa Cagayan Valley, 207 sa Central Luzon, 106 sa Calabarzon, anim sa Mimaropa, 22 sa Bicol Region, 66 sa Western Visayas, 186 sa Central Visayas, 31 sa Eastern Visayas 33 sa Zamboanga Peninsula, at 55 sa Northern Mindanao.
Mayroon namang 69 nadakip sa Davao Region, 33 sa Soccsksargen, 25 sa Caraga, 38 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at 22 sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Kabilang sa mga nahuli ang siyam mula sa PNP, pito mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), anim mula sa iba pang law enforcement agencies, limang elected government officials (EGO), dalawang appointed government officials (AGO), isa mula sa Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary, anim na foreign nationals, tatlong children in conflict with the law, 31 security guards, at 1,328 sibilyan.
Nasabat naman ng PNP ang 1,422 firearms — 541 revolvers, 431 pistols, 51 replicas, 50 explosives, 31 Class A guns, 26 shotguns, 19 rifles, dalawang Class B guns, at 271 iba pa.
Mayroon nang siyam na validated election-related incidents, anim ang “violent” habang tatlo ang non-violent. May pito ring hinihinalang election-related incidents, at pitong non-election related incidents.
Pinairal ang nationwide gun ban noong January 12, at magpapatuloy hanggang June 11, 2025. RNT/SA