Home METRO NCRPO: Metro Manila crime rate bumaba noong Pebrero

NCRPO: Metro Manila crime rate bumaba noong Pebrero

MANILA, Philippines- Bumaba ang crime rate sa Metro Manila ng 37.06 porsyento sa ikalawang buwan ng 2025, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) acting chief Brig. Gen. Anthony Aberin nitong Linggo.

Sa isang news release, sinabi ni Aberin na nakapagtala ang NCRPO ng 343 focus crimes noong Pebrero, mas mababa sa 545 naitala sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Tinutukoy na focus crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, vehicle at motorcycle theft.

Batay sa datos mula sa Crime Information, Reporting and Analysis System, bumaba ang murder cases ng 41.94 porsyento mula sa 31 noong February 2024 sa 18 noong February 2025, habang bumaba rin ang homicide ng 25 porsyento mula 12 sa siyam na kaso.

Samantala, kapwa bumaba ang physical injury at rape cases sa halos 50 porsyento, mula 57 sa 29 kaso (-49.12 porsyento) at 91 sa 46 kaso (-49.45 porsyento).

Gayundin, mas mababa ang bilang ng robbery cases ng 33.73 porsyento mula 83 sa 55, at theft cases ng 33.62 porsyento mula 229 sa 152.

Natukoy din ang pagbaba ng carnapping cases noong Pebrero, kung saan naitala ang motor vehicle carnapping na bumaba ng 57.14 porsyento mula pito sa tatlong kaso, at motorcycle carnapping ng 11.43 porsyento mula 35 sa 31.

Ani Aberin, umakyat ang crime solution efficiency ng 8.68 percentage points mula 67.71 porsyento noong February 2024 sa 76.38 porsyento noong February 2025.

“We understand that some may not immediately feel the impact of these improvements, but the numbers speak for themselves,” pahayag ng opisyal.

Iniugnay ng NCRPO chief ang pagbaba ng bilang ng focus crime sa “strengthened police visibility, intelligence-driven operations, and deepened community engagement.” RNT/SA