MANILA, Philippines – Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na mahigit 100
driving school ang sinuspinde sa nakalipas na dalawang linggo dahil sa iba’t ibang paglabag, nitong Huwebes, Mayo 22.
“We have already suspended around 107 driving schools just in the last two weeks. Nahuhuli, na-audit trail namin ‘yan sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa,” sabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II sa press conference.
“Wala nang takas ngayon. Malinaw ang instruction sa amin ng ating [Transportation Secretary Vince Dizon] at [President Ferdinand Marcos Jr.]. Hinihigpitan po ‘yan. Wala nang lulusot,” idinagdag pa.
Kaugnay nito, binawi ng LTO ang mga lisensya ng 10 bus driver at 8 konduktor matapos magpositibo sa drug test.
Ang mga sinuspinde na driving school ay matatagpuan sa Central Luzon, Calabarzon, at Metro Manila.
Samantala, sinabi ni Mendoza, ang karaniwang paglabag ay no-show o hindi pagsunod sa tamang theoretical driver’s training.
Naglabas na ng show cause order ang mga driving school na ito para ipaliwanag ang kanilang panig, dagdag ni Mendoza.
Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na ang Department of Transportation (DOTr) ngayong linggo ay nagkaroon ng pagpupulong sa mga concerned groups para pag-usapan ang mga rekomendasyon para sa road safety.
“Maraming kailangan ayusin sa sistema,” sabi ni Dizon. Santi Celario