MANILA, Philippines – Nakapag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng kabuuang 1,126 show-cause orders (SCOs) sa mga pasaway na drayber at may-ari ng sasakyan ngayong 2024.
Ayon sa LTO, 508 ng kabuuang SCOs ay sangkot ang mga paglabag sa probisyon ng Republic Act 4136, o Land Transportation and Traffic Code, kabilang ang ‘improper person to operate a motor vehicle’ na maaaring maharap sa suspension at pagbawi ng lisensya nito.
Sinabi ng LTO na ang 448 SCOs ay may kaugnayan sa pagggamit ng pekeng lisensya; 74 sa Anti-Distracted Driving Act; 69, sa road incidents na iniulat sa LTO Central Command Center; at 27, sa paggamit ng dalawang lisensya.
Ani Assistant Secretary Vigor Mendoza II, nagawang makapag-isyu ng LTO ng maraming SCOs ngayong taon dahil sa aktibong social media monitoring ng traffic rules and regulations violations, kabilang ang mga kaso ng road rage.
“Active social media monitoring, and even active monitoring of the traditional media, in our efforts to perform the LTO’s mandate of ensuring road safety is one of the new normal in the agency,” saad sa pahayag ni LTO chief Mendoza.
“Almost all Filipinos have social media accounts and smartphones and they have become the eyes and ears of the LTO against abusive motorists. What they post on social media serves as our basis to investigate,” dagdag pa ng opisyal.
Karamihan sa mga SCO na inisyu ay nagresulta sa pagpapataw ng penalty laban sa mga sangkot, kabilang ang suspensyon ng driver’s license at motor vehicle registration, at maging ang pagbawi sa lisensya ng sangkot.
Umaasa naman si Mendoza na mababawasan na ang SCO na kanilang ilalabas sa 2025 na nangangahulugan ng mas kakaunting mga kaso ng traffic offenses.
“For 2025, our New Year’s wish is that we would issue fewer SCOs, or we would no longer issue any SCO because this means that all our motorists are now abiding traffic rules and regulations.” RNT/JGC