MANILA, Philippines – Mahigit 5,000 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Negros Oriental ang nakatanggap ng financial relief noong 2024.
Ito ay kasunod ng condonation program sa mahigit P692 milyong loan debts sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inanunsyo ni Manuel Galon, provincial agrarian reform officer ng Department of Agrarian Reform (DAR)-Negros Oriental, nitong Sabado, Disyembre 28 na naipamahagi na ang 6,612 Certificates of Condonation with Release of Mortgages (CoCRoM) sa 5,321 ARBs mula noong Hulyo. Sakop nito ang 7,605.83 ektarya ng agricultural land.
Target ng DAR-Negros Oriental ang 40,000 ektarya ng agricultural land na sasakupin ng CoCRoM project sa susunod na taon.
“The release of the CoCRoM is according to the land title and not necessarily per ARB, as some beneficiaries may be holding two or more CLOAs (Certificate of Land Ownership Awards),” paliwanag ni Galon.
Ang loan condonation ay bahagi ng New Agrarian Emancipation Act (Republic Act No. 11953), na nag-aalis ng principal loans, unpaid amortizations, at interest ng ARBs sa ilalim ng government land reform programs.
Ani Galon, makatutulong ang programa sa mga magsasaka na maging produktibo at ‘appreciative’ sa halaga ng lupa na iginawad sa kanila ng pamahalaan. RNT/JGC