Home NATIONWIDE LTO, PNP sanib-pwersa vs online scammers  

LTO, PNP sanib-pwersa vs online scammers  

MANILA, Philippines- Sinisilip ng Land Transportation Office (LTO) ang maigting na koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) sa pagtugis sa scammers na gumagamit ng social media sa panloloko ng tao upang mag-avail ng iligal na serbisyo para sa driver’s license at vehicle registration.

Sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza II na makikipagpulong ang ahensya sa PNP’s Anti-Cybercrime Group upang paigtingin ang mga panukala laban sa mga iligal na aktibidad ng online scammers.

“We have been monitoring people who are posting offers for LTO transactions, from student permit to renewal of motor vehicle registration. We would like to warn the public not to fall prey on these illegal activities,” ani Mendoza.

Sinabi niya na mabilis na ang LTO transactions at magreresulta lamang ang pag-avail sa serbisyo ng online scammers para masayang ang kanilang pera.

Dahil dito, nagbabala si Mendoza sa online scammers na hindi titigil ang LTO hangga’t hindi sila naparurusahan.

Ang babala ni Mendoza ay kasunod ng paalala ng LTO-Bicol sa publiko na maging alerto laban sa online scammers na humihingi ng malaking halaga ng pera kapalit ng umano’y serbisyo.

Sa ilang kaso, natutuklasan na lamang ng mga biktima na peke ang lisensyang ibinigay sa kanila, sabi ng LTO Bicol.

Samantala, hinikayat ni Mendoza ang netizens na maging bahagi ng laban sa online scammers. RNT/SA