LUMOBO pa ang sovereign debt ng Pilipinas sa P16.09 trillion pagkatapos ng buwan ng Nobyembre ng nakaraang taon, ayon sa Bureau of Treasury.
Ito ay P70.7 billion o 0.4 percent na mas mataas kumpara sa pambansang “utang ng Inang Bayan” sa katapusan ng Oktubre. Napakabilis ng pagtaas.
Ayon sa Treasury, ang paglobo ng utang ng Pilipinas ay bunsod ng net financing at pagbagsak ng piso kontra dolyar.
Lubog na sa utang ang Pilipinas subalit itong mga “utang ng inang” mga politiko, lalo ang mga kapanalig ni Pangulong Bongbong Marcos ay pulitika pa rin ang laman ng kukote.
Simula noong 2024 at ngayong pumasok na ang 2025, ang iniisip ng mga hindurupot na mga politikong ito ay ang pagnanasang mapatalsik sa kapangyarihan si Vice President Sara Duterte.
Lumubog din tayo sa utang dahil sa paglalaro nila sa ating pondong bayan.
Kumuha sila ng bilyon-bilyong piso sa pambansang badyet para ipang-ayuda raw sa mahihirap subalit ang totoo ay kanilang ipambibili ng boto upang sila-sila ang bumango.
Ngunit malaki ang kanilang problema dahil alam ng taumbayan na ang ipinamahagi nilang ayuda ay ninakaw lang mula sa bayan.
Tatanggapin ito ng mga tao pero pagsapit ng halalan, isusuka lang din sila ng mga ito.
@@@
Para sa akin, walang kuwentang politiko ang nagpapabaya sa kanyang nasasakupang lungsod na bumantot dahil sa hindi maayos na paghahakot ng basura.
Aba’y nagmukhang walang kwentang alkalde ng Maynila si Mayora Honey Lacuna dahil pagpasok na pagpasok ng 2025 ay ang bantot ng Maynila.
Dangan kasi, tinamad maghakot ng mga basura ang Leonel Waste Management noong pagtungtong ng January 1, 2025 sapagkat ang laki ng utang sa kanila ng pamahalaan ng Maynila.
Inamin ni Lacuna ang hindi nababayarang obligasyon sa Leonel. Pero hindi raw ito matatawag na utang. Eh ano ang tawag ninyo dyan, Mayora?
PANUNUBA ba ang tawag dyan, ha?
Kung hindi kawalan ng kwenta ang pamamalakad ninyo sa Maynila pagdating pa lang sa kalinisan, e ano ba ang maitatawag d’yan? Kainutilan ba?