Home OPINION 63% NG MGA PINOY UMAMING MAHIHIRAP

63% NG MGA PINOY UMAMING MAHIHIRAP

NAPAKASAKLAP na kalagayan kung totoo ang pag-amin ng nakararaming Filipino na mahirap sila.

Lumitaw ito sa sarbey ng Social Weather Station nitong Disyembre 2024.

Sinabi ng 63 porsyento ng 110 Filipino na mahihirap sila.

Ang masaklap pa, lumitaw na tuloy-tuloy na pahirap nang pahirap ang buhay ng mga Pinoy mula sa mga unang buwan ng taong ito.

Kung totoo, 46% ang nagsabing mahihirap sila noong Marso 2024, 58% noong Hunyo, 59% noong Setyembre at 63% nga nitong Disyembre.

MAG-IIBA HANGGANG ELEKSYON

Karaniwan nang nagkakaroon ng kaunting ginhawa ang halos 69 milyon ding botante sa buong bansa sa panahon ng halalan, mula sa mga araw na ito hanggang matapos ang halalan sa Mayo 12, 2024.

Ito’y dahil marami ang makatatanggap ng mga ayuda sa iba’t ibang anyo mula sa mga politiko.

May pera, may bigas, may ulam, may damit, may sombrero, may patrabaho at iba pa.

Kahit tapos na nga ang halalan, may mga bigayan pa, lalo na mula sa mga nagbigay ng partial payment o pabuya bago maghahalan at magbibigay ng buo kung mananalo.

Pero matapos nito, ano kaya ang susunod?

KAKAIBANG SITWASYON

Ayon pa rin sa SWS, mga Bro, nasa 60% ang katamtamang bilang ng mahihirap noong 2023.

Pero pagdating ng 2024, lalong dumami nga ang naghihirap sa bilang na 63%.

At ang masakit, itong 63% ang pinakamalaking bilang ng mahihirap simula noong 2003.

Napakasamang balita ito lalo’t sinasabi ng pamahalaan na tuloy-tuloy ang pag-unlad ng ekonomina ng bansa.

Kung umuunlad ang bansa, bakit naman bumabagsak ang kalagayan ng dumaraming mamamayan?

Baka naman, ang pag-unlad na sinasabi ay para lang sa mayayaman at hindi sa mahihirap!

Kaya nagkakatotoo ang kasabihang, humihirap ang mahihirap at yumayaman ang mayayaman?

Kakaiba na hindi kakaibang sitwasyon.

Kung 110 milyon ang Filipino, katumbas ang 63% mahihirap ng 69.3 milyong indibidwal na naghihirap.

Katumbas ‘yan ng mahigit sa nasa 69 milyong botante.

ANO NGA KAYA ANG KINABUKASAN NG MAHIHIRAP?

Kung totoo ang sinasabi ng SWS na nagpatuloy at lalong dumami ang naghihirap mula 2023 hanggang 2024, ano nga kaya ang mangyayari sa taong 2025?

Gaya ng tiyak na magaganap, giginhawa nang kaunti ang marami sa unang kalahati ng taon ang maraming mamamayan dahil sa biyaya ng halalan na karaniwang bugso ng vote buying sa iba’t ibang paraan.

Ngunit pagkatapos nito, ano-ano ang mga susunod?

Isa sa mga tiyak din dahil sa halalan, magdadamot na ang mga politiko pagkatapos, maging ang mga nanalo.

Ang masakit, higit silang magpapayaman sa pwesto at laging sasairin ang kabang bayan na nabubuo mula sa buwis mula sa mismo sa higit na nakararaming mamamayan.

Mula rito, ano kaya ang hinaharap ng mga mamamayan sa buong 2025, lalo na sa huling mga araw nito?

Mauulit ba ang paghahayag ng higit na nakararami na dumami sila?