Home NATIONWIDE Para iwas pakawala ng dayuhan, background checks sa mga kandidato sa 2025...

Para iwas pakawala ng dayuhan, background checks sa mga kandidato sa 2025 poll siniguro ng AFP

MANILA, Philippines – SINABI ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsasagawa ito ng background checks sa mga kandidato na sasabak sa 2025 midterm elections.

Sinabi ni AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr. na bahagi ito ng hakbang ng military para pigilan ang posibleng “foreign influence” sa halalan.

“Through our intelligence operations, tinitignan po natin ang lahat ng kandidato. Tinitignan po natin ang kanilang background, so meron tayong background check. Kung meron kaming makikita na red flags, we will inform the Comelec (Commission on Elections) about this,” ang sinabi ni Brawner sa isinagawang pagbubukas ng National Election Monitoring Action Center sa Camp Crame sa Quezon City.

“Ayaw natin maulit ang nangyari noong nakaraang eleksyon na may nakalusot na kandidato,” aniya pa rin sabay sabing “We are in collaboration with the PNP and Comelec to make sure that we prevent these kinds of things from happening again. So, pinaigting natin ang ating intelligence operations.”

Binigyang diin pa rin ng AFP na layon ng intelligence gathering nito ay ang tulungan ang Comelec na tiyakin ang integridad ng eleksyon at pangalagaan ang national security.

“This initiative is conducted in coordination with the COMELEC and PNP, and focuses on identifying potential security threats arising from foreign interference and malign influence. Any findings will be confidentially relayed to the Comelec for appropriate action,” ang sinabi ng military.

Muling inulit ang non-partisan role nito, binigyang diin ng AFP na umaasa ito na mapipigilan ang ‘misinterpretation’ ng kanilang aksyon na “anchored on impartiality and respect for the democratic process.”

Nauna rito, isiniwalat ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na ang dinismis na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping ay isang “agent of influence” na ginamit ang kanyang posisyon para impluwensiyahan ang public opinion o decision-making “to benefit the country that hired her.”

Nanalo si Guo noong May 2022 elections.

Sinabi naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang foreign influence sa halalan ay hindi limitado sa cyberspace.

“Ang foreign funding posibilidad iyon. Hindi naman direct na gagamit ‘yun eh, therefore, gagamitin ang pera sa pamimili ng boto para ang kanilang kampanya ay mapursige,” aniya pa rin.

Subalit kumpiyansa naman si Garcia na ang automated counting machines na gagamitin sa May elections ay hindi maha-hack.

Ang paliwanag ni Garcia, nago-operate ang ACM bilang isang stand-alone machine na walang reception capability at maaari lamang mag-transmit ng data.

“The machine is powered by lithium battery that can last up to 72 hours when unplugged,” ayon kay Garcia.

“Ang mga makina natin, maipagmamalaki natin, stand-alone siya. Ibig sabihin, hindi siya nakakabit sa anumang kable. Para ‘yan ay maimpluwensyahan mo, kinakailangan nakakabit ‘yan sa something. Kahit walang kuryente, gagana nga ang makina because ang mga lithium battery niyan ay pwedeng gumana ng tatlong araw. So, kahit mawalan ng kuryente, dire-diretso ang mga machine,” litaniya nito.

“Pero bago siya mag-transmit ng results, nakapag-imprenta na ng siyam na election returns. Ang election returns, nabigyan na ng kopya ang PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting), Namfrel (National Citizens Movement for Free Elections), si majority and minority parties. So, alam na ng lahat ano ang boto ni A, B and C. Natransmit na at lahat sa headquarters bago pa man magtransmit ng result ang machine,” aniya pa rin sabay sabing

“Hinding-hindi magkakaroon ng hacking.”

Tiniyak pa ni Garcia na ang halalan ngayong taon ay mas magiging ‘transparent’.

“Ang lahat ng imahe ng balota na nahulog ng watchers sa maghapon, pag natapos na ang pagtransmit, pagbilang at pagprint ng election returns, pamimigay ito sa lahat. Ipapakita ito sa watchers… bilangin manually ano ang boto ni mayor, ni congressman. Bilangin nila, tumutugma ba sa na-print na election returns at na-transmit na results?” ang sinabi ni Garcia.

“More transparent but we will answer the question: Nabilang ba ang boto ko?” anito.

Samantala, humingi na aniya ng tulong ang Comelec sa PNP Anti-Cybercrime Group at National Bureau of Investigation para tiyakin na ang artificial intelligence- o AI-powered disinformation at misinformation ay hindi lulutang bilang panganib habang ang mga botante ay patungo sa poll precint.