
SINABI ni Pangulong Bongbong Marcos na may P65.6 bilyong pondong panagot sa mga perwisyong nililikha ng bagyong Enteng at habagat.
Ginagamit na nga ang pondong ito at sa halos isang linggo nang pag-ulang dala ni Enteng at habagat, daan-daang libo na ang mga food pack para ipamigay sa mga biktima ng bagyo.
Pangunahing nagdadala sa mga biktima ng mga ayudang ito ang Department of Social Welfare and Development sa ilalim ni Secretary Rex Gatchalian.
Iba pa ang mga non-food item na pinagkakagastusan.
Sa non-food item, kasama ba ang ayuda para sa mga namatayan at pagpapalibing sa mga namatay?
Kasama rin ba ang mga nasugatan at naospital?
Ang mga namatayan ng mga hayop na mahahalaga gaya ng mga kalabaw, baka, manok at baboy kasali ba?
At ang mga mangingisdang nasiraan ng mga gamit sa produksyon gaya ng bangka, kasali rin ba?
Paano ang mga nalubugan sa baha at nasiraan ng mga tahanan sa landslide, kasama rin ba?
Maganda sigurong ipaalaala na rin na meron na umanong P300 milyong nasira sa agrikultura.
CALAMITY FUNDS
Sinasabi ng iba na anyong calamity fund ng pambansang pamahalaan ang isinusubo ni Pang. Bongbong na P65.6B pang-ayuda.
Pero anoman ito, importanteng may pantulong sa mga tao sa oras ng pangangailangan sa gitna ng kalamidad.
Pero bukod sa pambansang pondo, may mga lokal ding pondo laban sa mga kalamidad, may deklarasyon mang state of calamity o wala.
Kumikilos na nga ang lahat ng apektadong munisipyo, lungsod, lalawigan at autonomous region para ayudahan ang mga biktimang kanilang nasasakupan.
BILYON-BILYONG PISONG NASASAYANG
Maganda at dapat lang talagang may pondong pangkalamidad laban sa napakalaking perwisyo sa buhay at ari-ariang dala ng bagyo, habagat, baha, landslide at iba pa taon-taon.
Pero lumitaw namang pupwedeng mabawasan nang malaki mga kasiraan, maging ang paggastos ng pamahalaan para sa ayuda kung mayroong epektibong programa laban sa baha na pinakamalaking pumiperwisyo.
Lumitaw kamakailan ang kawalan, halimbawa, ng master plan laban sa baha, at kung ganoon, pati ang epektibong programa sa mga malawakang pagbaha sa anomang parte ng bansa, maging sa Metro Manila.
Sa taong ito at sa susunod na taon, mahigit P500B ang halaga na nakatuon laban sa baha at bukod ito sa P65.6B pang-ayuda sa mga biktima ni Enteng at habagat.
Napakalaki ang halagang ito na pupwedeng magamit sa pagtatayo ng mga proyektong epektibong panlaban sa baha.
Sana hindi ito salakayin ng mga kawatan hanggang sa kalahati na lang ang matitira para sa mga proyekto na karaniwang pang marurupok at madaling masira.
Oks ba, ex-Senator Ping Lacson?