CALOOCAN, Philippines – Sa hangaring palakasin ang mga benepisyong natatanggap ng mga batang may espesyal na pangangailangan kasama ang kanilang mga magulang, binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang Hope and Play: A Pod for Every Ability, na mag-aalok ng interbensyon at iba pang serbisyo para sa nasabing mga bata at kanilang pamilya.
Ang nasabing center ay bukas araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes, at mag-aalok ng mga serbisyo tulad ng psychoeducational screening, , language programs, behavior management, learning support at maging ng mga pagsasanay para sa mga magulang at tagapag-alaga ng mga batang may espesyal na pangangailangan.
Kinikilala ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga hamon ng pagpapalaki sa mga batang may espesyal na pangangailangan at ipinahayag na ang interes ng mga bata at mga mahihinang miyembro ng komunidad ay palaging mapoprotektahan sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Ang katotohanan ngayon, mahal ang gastusin kapag may anak ka na mag espesyal na pangangailangan, at hindi lahat kayang gumastos para sa therapy at iba pang medical needs,” ani Mayor Along.
“Dito papasok ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa pamamagitan ng Hope and Play: A Pod for Every Ability upang matiyak na mabibigyan ng karampatang pag-aalaga ang mga batang may special needs,” dagdag niya. (Merly Duero)