Home HOME BANNER STORY Luistro kay Marcoleta: Legalidad ng impeachment vs VP Sara idulog sa SC

Luistro kay Marcoleta: Legalidad ng impeachment vs VP Sara idulog sa SC

97
0

MANILA, Philippines – UMIGTING ang palitan ng argumento sa pagdinig ng House Committee on Justice matapos kwestiyunin ni SAGIP party-list Rep. Paolo Marcoleta ang paraan ng pag-usad ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Bilang tugon, hinikayat ni committee chair at Batangas Rep. Gerville Luistro si Marcoleta na dalhin ang kanyang mga pagtutol sa Supreme Court kung naniniwala itong may paglabag sa proseso.

Naging sentro ng diskusyon ang paggamit ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente, na iniharap sa komite matapos kunin sa pamamagitan ng subpoena mula sa Office of the Ombudsman.

Ayon kay Marcoleta, hindi dapat gamitin ang SALN dahil wala ito sa orihinal na impeachment complaint, aniya, tila naghahanap pa lamang ng ebidensiya ang komite sa halip na suriin ang umiiral nang mga alegasyon.

Ipinaliwanag naman ni Luistro na bahagi ng mandato ng komite ang maglabas ng subpoena upang masuri kung sapat ang mga paratang at kung may probable cause.

“The purpose of the compulsory process of issuing a subpoena]of the House justice committee is for the purpose of testing the sufficiency of the allegations,” paliwanag ni Luistro.

Dagdag pa niya, ang hakbang na ito ay naaayon sa umiiral na mga patakaran sa impeachment, sa Konstitusyon, at sa mga naging jurisprudence ng Supreme Court.

Sa gitna ng palitan, sinabi ni Marcoleta na ang hukuman ang mas nararapat na magpasya sa usapin.

“the court will be the better judge of that,” ani Marcoleta.

Sinagot ito ni Luistro sa pagsasabing, “And that is why you should elevate them to the Honorable Court.”

Gayunman, nilinaw ni Marcoleta na maaaring ibang grupo ang magdala ng usapin sa Korte Suprema.

Si Marcoleta ay hindi miyembro ng House Committee on Justice.

Sa ilalim ng rules ng Kamara ay pinapayagan ang mga mambabatas na hindi miyembro ng isang komite, tulad ng House Committee on Justice, na dumalo sa mga pagdinig, magtanong, at makilahok sa talakayan, ngunit wala silang karapatang bumoto sa mga pormal na desisyon ng komite gaya ng ginagawa ng komite na pagtukoy sa probable cause sa impeachment complaint ni Duterte.

Maaari si Marcoleta na makibahagi sa mga pagdinig at magpahayag ng opinyon, ngunit hindi siya kabilang sa botohan at limitado sa lamang sa partsipasyon sa deliberasyon ang maaaring gawin. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here