MAKARAANG ang napakaingay na pagmamalaki ng mga organizer ng mga rally na daan-daang libo ang dadalo sa Metro Manila sa kanilang laban sa malakihang korapsyon sa gobyerno, sinabi ng pulisya na kakaunti lang sa katotohanan ang dumalo.
Ayon kay PMaj. Hazel Asilo, nasa 3,000 lang ang lumahok sa Luneta rally habang nasa 7,500 lang ang sa EDSA.
Nauna rito, inasahan ng mga organizer ng Baha sa Luneta 2.0 na aabot sa 20,000 ang dadalo at mga Trillion Peso March 2.0 na aabot sa 120,000.
Nauna ring sinabi ng pulisya na posibleng aabot sa 300,000 ang magkasamang bilang ng mga dadalo sa rally kaya naghanda sila ng nasa 16,000 pulis na magbantay at titiyak ng mapayapang kilos-protesta.
Ibinatay ng pulisya ang tantiya nito sa naunang Setyembre 21, 2025 mga rally na nasa 45,000 ang dumalo sa Luneta habang nasa 70,000 naman sa EDSA.
Ngunit kabaligtaran ang naganap at lumabas na nilangaw ang mga rally, kung ang huling tantiya ng pulisya ang pagbabatayan.
Ayon naman sa mga raliyista, mga brad, karaniwang maliit lang ang sinasabi ng pulisya at kabalintunaan ito sa tunay na datos.
Para sa atin, may sariling pamantayan ang pulisya sa pagsukat ng dami ng mga dumadalo sa isang okasyon at mayroon din ang mga organizer ng mga rally.
Sino ang nagsasabi sa kanila ang totoo?
Kaugnay nito, mahalagang-mahalaga ang partisipasyon ng taumbayan para magtagumpay hanggang dulo ang anomang rally.
Anoman ang totoong bilang, maliit talaga ang partisipasyon ng taumbayan.
Sa ibang salita, may mga tanong at sagot na hindi natutugunan ng mga raliyesta.
Mga hilaw o sunog na sunog ba ang tanong at sagot na isinusubo ng mga raliyista sa taumbayan kaya wala silang mahatak na bilang na magpanginginig sa tuhod ng mga korap at tuluyan silang manikluhod sa taumbayan at lumayas sa pwesto?






