MANILA, Philippines – Nagdulot ng halakhak at diskusyon online ang dating senador at boxing legend na si Manny Pacquiao matapos niyang pabirong sabihin na ang kanyang mamahaling relo ay hindi galing sa “flood control”, sa gitna ng umiinit na isyu ng korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan.
Sa isang Facebook video, makikitang nakaupo si Pacquiao kasama ang kanyang asawang si Jinkee Pacquiao, habang kinukuhanan ng kamera ang kanyang kumikislap na relo.
“Hindi ’yan flood control ha,” biro ni Pacquiao habang itinutok ng videographer ang camera sa kanyang wristwatch, isang linyang agad nag-viral sa social media.
Maraming netizen ang nagpahayag ng suporta kay Pacquiao at pinupuri ang kanyang pag-angat mula sa kahirapan sa pamamagitan ng sipag at determinasyon sa boxing.
“Si Manny ang may karapatang mag-flex ng relo dahil pinaghirapan niya ito,” ayon sa isang netizen.
“Galing siya sa hirap at walang halong kasamaan ang pinanggalingan ng kanyang yaman.”
Samantala, nananatiling mainit ang galit ng publiko sa kontrobersiya ng flood control projects, matapos ibunyag ni Sen. Panfilo Lacson na halos kalahati ng ₱2 trilyong pondo sa nakalipas na 15 taon ay posibleng nawala sa korapsyon.
Sa mga pagdinig ng Senado, lumutang ang pangalan ng ilang politiko at opisyal na umano’y kumikita ng hanggang 20% kickback, kabilang sina dating House Speaker Martin Romualdez, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, bukod sa iba pa. RNT/JGC