MANILA, Philippines – Lumawak pa ang Luzon Economic Corridor (LEC) matapos sumali ang pitong bansa sa Pilipinas, Estados Unidos, at Japan sa isang malakihang partnership na layong gawing global investment hub ang Luzon.
Sa isang joint announcement nitong Lunes, sinabi ng Pilipinas, US, at Japan na opisyal nang sumali ang Australia, Denmark, France, Italy, Republic of Korea, Sweden, at United Kingdom sa inisyatiba na inilunsad noong Abril 2024 sa ilalim ng Partnership for Global Infrastructure and Investment (PGI).
Layunin ng LEC na pag-ugnayin ang Subic Bay, Clark, Manila, at Batangas sa pamamagitan ng malalaking pamumuhunan sa riles, enerhiya, digital systems, at manufacturing.
“The expansion of the LEC partnership demonstrates the power of collaboration among likeminded nations committed to transparency and shared prosperity,” ayon kay Finance Secretary Frederick Go, co-chair ng LEC Steering Committee.
“Together, we are building infrastructure that will improve daily life for millions of Filipinos and create new opportunities for businesses, industries, and communities,” dagdag niya.
May kani-kaniyang ambag ang mga bansang kasali sa proyekto.
Ang Australia ay maglalagak ng pondo sa pamamagitan ng Manila Deal Team na may halagang ₱1.9 bilyon (USD32.6 million) para sa inclusive growth. Target naman ng Denmark ang 10,000 trabaho sa shipbuilding at green maritime innovation.
Popondohan ng France ang 100 tulay at mga proyektong aeronautics, habang susuportahan ng Italy ang pamumuhunan sa semiconductors, transport, at manufacturing.
Magbibigay naman ang Republic of Korea ng ₱1.5 bilyon (USD25.6 million) para sa National Cyber Security Center at modernisasyon ng NAIA.
Sasagutin ng Sweden ang ₱74 milyong feasibility study para sa signaling system ng Subic-Clark-Manila-Batangas freight railway, habang maglalaan ang United Kingdom ng hanggang ₱411 bilyon (USD6.8 billion) sa export finance para sa imprastraktura at enerhiya.
Ayon kay US Senior Advisor Ambassador Heather Variava, ang proyekto ay nag-aalok ng sustainable na alternatibo sa tradisyunal na infrastructure models.
“This initiative is creating real opportunities… while countering exploitative infrastructure practices with a better alternative,” ani Variava.
Sinabi naman ni Japanese Ambassador Endo Kazuya na ang partnership ay sumasalamin sa pagtutulungan batay sa “transparency, sustainability, and the rule of law.”
Inaasahang lilikha ang LEC ng libo-libong trabaho at magpapalakas sa supply chains, na maglalagay sa Pilipinas bilang mahalagang economic hub sa Indo-Pacific. Dave Baluyot