KASABAY ng obserbasyon ng “Breast Cancer Awareness Month,” mas pinaigting ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ang kampanya nito para sa maagang pagtuklas at paggamot ng breast cancer alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., na palawakin ang akses sa serbisyong pangkalusugan sa buong bansa.
Hinikayat ni PHILHEALTH President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado ang mga kababaihan na samantalahin ang pinalawak na benepisyo at screening packages ng ahensya. Aniya, sa pamamagitan ng PHILHEALTH YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program ay ginagawa ng ahensya na mas madali at abot-kaya ang mga serbisyong pangkalusugan. Nanawagan siyang huwag nang ipagpaliban pa ang pag-aalaga sa kanilang kalusugan, magpa-check-up, mag-follow up, at sundin ang tamang gamutan, dahil ito ay kanilang karapatan at naroon ang PHILHEALTH upang suportahan sila.
Bagaman isa sa mga pinakanagagamot na uri ng kanser, nananatiling isa pa rin ang breast cancer sa pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga kababaihan sa Pilipinas, kadalasan ay dahil sa huli nang pagkakatuklas ng sakit.
Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2023, tanging isang porsyento lamang ng mga Filipina ang sumasailalim sa cancer screening o katumbas ng humigit-kumulang 540,000 mula sa tinatayang 54 million na kababaihan. Tinatayang 65 porsyento ng mga kaso ng breast cancer ay natutuklasan na sa advanced stage, dahilan upang bumaba ang survival rate.
Bilang tugon, pinalawak ng PHILHEALTH ang Z Benefit Package for Breast Cancer, mula sa dating Php 100,000 na coverage patungong hanggang Php 1.4 million o isang 1,300 porsyento na pagtaas. Saklaw nito ang mga pasyente mula Stage 0 hanggang Stage 4, kabilang na ang mga kasalukuyang sumasailalim sa gamutan. Hanggang nitong September 2025, umabot na sa Php 72.03 million ang nailabas na pondo sa ilalim ng nasabing programa.
Kasabay nito, sinusuportahan ng PHILHEALTH YAKAP ang mga hakbang sa maagang pag-iwas sa sakit sa pamamagitan ng coverage para sa mga outpatient screening tests kagaya ng mammogram (Php 2,610) at breast ultrasound (Php 1,350).
Layunin ng ahensya na alisin ang hadlang sa gastusin upang mahikayat ang mga kababaihan na magpatingin at magpagamot nang mas maaga, bago pa lumala ang kondisyon.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa PHILHEALTH YAKAP at Z Benefit Packages para sa Breast Cancer, maaaring makipag-ugnayan sa PhilHealth 24/7 hotlines sa (02) 8662-2588 o sa mga numerong 0998-8572957, 0968-8654670 (Smart), 0917-1275987, at 0917-1109812 (Globe).






