Home NATIONWIDE Maayos na access ng PWDs sa public transportation, hirit sa Senado

Maayos na access ng PWDs sa public transportation, hirit sa Senado

MANILA, Philippines – Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na magkaroon ng mas maayos na access ang lahat ng taong may kapansanan (PWDs) sa sistema ng pampublikong transportasyon upang maging aktibo sa kanilang komunidad at makapag-ambag sa lipunan.

Kamakailan, pinuna ni Gatchalian ang may hawak ng PWD IDs na kuwestiyonable ang pagkakakilanlan at pang-aabuso sa paggamit nito para sa personal na interes na walang kapansanan.

Binigyang-diin pa ni Gatchalian na mahalaga matiyak na natatanggap ng mismong PWDs ang benepisyong nakalaan talaga sa kanila tulad ng access sa transportasyon.

“Ang aking opisina ay madalas makatanggap ng mga reklamo mula sa PWDs na nahihirapan sa public transportation,” sabi ni Gatchalian.

Aniya, nahaharap ang PWDs sa iba’t ibang hamon at kakulangan sa imprastraktura ng sektor ng transportasyon na lalo pang nagpapalala at nagpapahirap sa PWDs na gumalaw.

“Madalas hindi raw sila nakakasakay ng MRT o LRT lalo na kung sira ang escalator o elevator na magdadala sa kanila papunta sa platform. Pati raw sa mga jeep, minsan hindi sila naisasakay dahil mabagal silang kumilos,” aniya.

Ayon pa sa chairman ng Senate Committee on Ways and Means, kailangang bumuo ng isang design standard o panuntunan ang Department of Transportation (DOTr) na magtitiyak ng mas madaling access sa transport system.

Dapat din magpatupad ang mga Local Government Units (LGUs) ng mga polisiya upang gawing mas PWD-friendly ang kanilang lungsod, ayon sa mambabatas.

Halos 30 taon na mula noong ipinasa ang Magna Carta for Disabled Persons, o Republic Act 7277, noong 1992, pero hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin ang mga PWDs sa pag-access ng pampublikong transportasyon at iba pang pampublikong imprastraktura.

“Dapat ganap at epektibong ipinapatupad ang Magna Carta para sa mga PWDs, hindi lamang para sa kapakinabangan nila kundi pati na rin ng mga nakatatanda, mga magulang na may maliliit na anak, mga buntis, at iba pang indibidwal na may pisikal na hamon sa pag-access ng pampublikong sistema ng transportasyon,” sabi ni Gatchalian.

“Kung walang tamang access sa pampublikong transportasyon, mahihirapan ang mga PWDs na makakuha ng mga serbisyong pang-edukasyon, kalusugan, at iba pang mahahalagang serbisyo,” dagdag niya.

Ayon sa National Council on Disability Affairs, ang kabuuang bilang ng mga rehistradong PWDs noong Enero 8 ng taong ito ay 1.9 milyon. Ernie Reyes