MANILA, Philippines- Bago humingi ng dagdag-pasahe, dapat unahin ng operators ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) ang pag-aayos ng kanilang serbisyo, ayon kay Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte.
Ayon kay Villafuerte, magiging makatwiran lamang ang fare adjustment kung may nakikitang magandang serbisyo mula sa rail operators subalit kung wala ay walang dahilan para magtaas ng pamasahe.
“Sabi nila, itataas raw yan fares para mas lalong ma-maintain ang serbisyo sa train lines. Eh ako naman kasi, sabi ko, sana pagandahin nyo muna bago i-increase ang pamasahe. So palagay ko naman na puwede naman pong i-consider ito na i-defer na muna iyon at hanapan ng pondo … ang point ko lang, sana huwag nilang sasabihin na kailangan ang increase dahil matagal nang hindi nag-increase. Pagandahin muna nila ‘yung serbisyo saka na lang siguro tayo mag increase. I mean, iyan lang po ang apila natin,” pahayag ni Villafuerte.
Umaasa ang mambabatas na pipigilan ni Pangulong Bongbong Marcos o ng Department of Transportation (DOTr) ang nakatakdang fare hike.
Matatandaan na noong Abril 11 ay inanunsyo ni Transport Secretary Jaime Bautista ang P2.29 fare hike para sa LRT Lines 1 at 2 at P0.21 hike per distance sa MRT subalit pinigil ni Pangulong Marcos ang implementasyon nito. Ngunit noong Hunyo 19 ay kinumpirma ni Bautista na tuloy na ang pagtaas sa pamasahe simula sa Agosto 2.
“I am hoping against hope that, with almost one month and a half to go before train fares in Metro Manila are adjusted as scheduled, our transport officials will find it in their hearts to put back this plan anew — in the same way it was deferred last April on the President’s orders — on account of the high commodity prices that afflict our train commuters and the rest of the masa in their daily struggle to make both ends meet,” pagtatapos ni Villafuerte. Gail Mendoza